Lahat Tayo Ay Magkaisa Para Matupad Ang Ating Mga Pangarap Pagkatapos ng Halalan – Honasan

Binigyang diin ngayon ni United Nationalist Alliance (UNA) Vice Presidential bet Senador Gregorio “Gringo” Honasan II na hindi mga kandidato sa ibat-ibang pwesto ang tunay na makikinabang sa idaraos na eleksyon sa Lunes.

Sa mensaheng kanyang ipinalabas bago sumapit ang nakatakdang halalan, sinabi ni Honasan na ang mamamayan at ang kinabukasan ng bansa ang higit na makikinabang sa pagdaraos ng eleksyon.

“Sa aming mga minamahal na kababayang Filipino at higit sa lahat, sa aming mga pinakamamahal na anak – mga susunod na henerasyon ng mamamayan at lider ng ating bansa, ang halalan na ito ay hindi tungkol sa mga kandidato o kanilang kandidatura,” paliwanag ni Honasan.

“Ito ay sa kinabukasan ng ating bansa at kinabukasan ninyo – kayong aming mga anak,” dagdag ni Honasan.

Kaugnay nito, hiniling ni Honasan ang pakikiisa ng taong bayan na pagtulungang siguruduhin na magiging maayos, malinis, payapa at kapani-paniwala ang pagdaraos ng eleksyon sa Lunes.

“Pagtulungan natin ito. Bantayan natin na walang dayaan. At higit sa lahat, patuloy tayong magsikap, magtrabaho at magdasal para matapos ang nakatakdang halalan,” dagdag pa ni Honasan.

Ayon pa sa pambato sa pagka-Bise Presidente ng UNA, kung magkakaroon ng pambansang pagkakaisa siguradong kasunod nito ay kaunlaran na matagal ng pinapangarap ng mga Filipino mula pa noong EDSA 1986 o ang People Power Revolution.

“Magkaisa tayo. Magsikap tayo dahil ito ang kabuuan ng lahat ng ating pangarap. Maraming salamat at mabuhay tayong lahat,” pagtatapos ni Honasan.